Wild Guess
Description
Kung saan nagtataka ang lahat kung paanong pumapasa si Irene sa Math. Dahil nga lang ba sa panghuhula, pag-eenie meenie, at pagbilog ng letter C, because C is for Christ? Amen.
Foreword
Napaangat ng tingin si Joohyun nang marinig ang kalabog sa harap niya. Nakita niya si Joy na padabog na inilapag sa lamesa ang notes nito. Bagot itong umupo sa harap niya.
"Aral na aral, ah," bati nito sa kanya, "Manghuhula ka lang din naman sa exam bukas."
Umirap siya, "'Wag mo 'kong batiin."
Humalakhak lang ito nang marahan. "Wala kang maloloko rito. Props lang 'yan," pang-aasar nito sabay turo sa librong hawak, colored pens at calculator niya.
Napabuntong-hininga na lang si Joohyun at sumandal sa upuan. Marahas niyang sinara ang libro, na siya namang ikinatawa ng demonyong nasa harap niya.
Tanginang 'yan, wala na naman siyang mapapala rito sa library. Tama si Joy, props lang ang mga dala niya dahil hindi naman talaga siya nag-aaral. Pakunwaring buklat, highlight at pindot lang siya sa calculator para masabing huwaran siyang mag-aaral.
"Bukas na Valentines," untad ni Joy habang lumilinga sa buong library, "Ano na ang balak mo?"
Pinaliliguan ng mga pulang pusong dekorasyon ang buong silid. May nakadikit sa pader, may nakasabit sa bubong at bintana. Pinamumukha sa bawat estudyanteng pumapasok na nalalapit na nga ang araw ng mga pu--
Puso. Puso 'yon, opo.
Tumaas ang kilay ni Joohyun sa tanong ng kaibigan. Lumandas ang tingin niya mula sa kanyang mga gamit na nakalapag sa kanyang harap patungo sa kabilang table sa bandang kanan.
Nagtagal ang titig niya sa kaklase niyang maligalig na tinuturuan ang ilan niyang blockmates. Seryoso ang mukha nito, at bahagyang nakakunot ang noo, habang nagpapaliwanag kung paano makuha ang tamang sagot. Matapos magtanguan ang mga kasama nito ay ngumiti ito nang malawak.
Nakakasilaw, ngunit hindi natinag si Joohyun sa pagmamasid.
Lumingon si Wendy sa kanya nang maramdaman siguro ang intensidad ng kanyang titig. Tumaas ang pareho nitong kilay, may pagtataka sa magandang mukha.
Umiling lang si Joohyun at bahagyang ngumiti. Ilang saglit ay binalik niya ang kanyang atensyon sa mga numerong nagkalat sa papel niya. May nabubuong plano sa kanyang utak at hindi niya mapigilan ang pagsilay ng nakakalokong ngiti sa labi.
"'Wag mo ng sagutin tanong ko," bagot na sabi ni Joy, "Alam ko na."
Natawa si Joohyun. Shet, green minds think alike talaga.
Comments