2nd offense

O sige, sa’yo na (lang ako)

 

Tanghali na nagigising si Winter tuwing linggo. Pinakatahimik kasi sa boarding house nila sa araw na iyon. Marami sa kanila ang umuuwi sa kaniya-kaniyang bahay kapag weekend. Tapos ang iba namang natitira, gumagala rin sa kung saan.

 

Siya naman, sabado kadalasang lumalabas at nagliliwaliw. Mas gusto niyang ginagamit ang linggo para makapagpahinga. Usually, humihilata lang siya sa kama at nagso-scroll kung hindi nagbabawi ng tulog. Hindi rin siya kasingdalas umuwi sa kanila dahil may kalayuan ang probinsiya niya. Umuuwi lang siya kapag mahaba-haba ang bakasyon o 'di naman kaya pag may espesyal na okasyon sa kanila. Mahal kasi ang pamasahe at halos kapantay lang ng oras ng pamamalagi niya doon ang kabuuang oras ng biyahe niya. Lugi siya sa pagod at gastos pag uuwi siya halos linggo-linggo. Sa totoo lang, kulang na kulang pa talaga ang weekend para maibsan ang stress at pagod mula sa dumaang linggo.

 

Alas dos na siya nagising pero pahikab-hikab pa siya papunta sa kusina. Doon, naabutan niya si Chaeryeong na abala sa mga hugasin.

 

“Morning, Win,” bati nito sa kaniya. “Kakagising mo lang?”

 

Tumango-tango lang siya, medyo conscious dahil hindi pa siya nakakapaghilamos o mumog. Kinuha niya ang tasa niya at sinilip kung may mainit na tubig sa airpot.

 

“Kakalagay lang niyan, kuha ka na. Tsaka may sinigang pala diyan kung gusto mo. Masarap yan, luto ni Rina.”

 

Medyo nagulat siya sa narinig. Napaka-productive naman pala ng umaga ng roommate niya. Samantalang siya, kakabangon palang at hindi pa nga nakakapagtanggal ng muta.

 

Sinilip niya agad ang sinigang na nasa kawali at natakam. Isa kasi 'to sa mga paborito niya. Saktong-sakto rin dahil naparami ang nainom niya kagabi sa pinuntahang birthdayan.

 

“Sige, thanks, Chaer.”

 

“Ay, wala naman akong ambag diyan," sabi nito sabay tawa. "Pero thanks rin pala sa pa-mango float, Win.”

 

“Ha?” 

 

Parang nabingi siya saglit. Ano raw? Pa-mango float niya?

 

“Sayang, di ka pala kumakain nun 'no, sabi ni Rina? Sobrang sarap, halos ubusin nga ni Yuna bago siya umalis eh."

 

Patawa-tawa lang si Chaeryeong habang nagkukwento kaya napilitan na lang si Winter na makitawa. Buti na lang ay naalala rin nito agad na may bibilhin pa siya sa NBS. Gusto niya raw na makauwi nang maaga-aga kaya nagpaalam na siyang mauuna at iniwan si Winter na nakatulala sa bagong-hugas na tupperware sa tabi ng lababo.

 

Yung tupperware na may lamang mango float kahapon lang. Na wala nang kahit anong bahid nito ngayon.

 

Bumalik na lang ulit siya sa kwarto, limot na ang kapeng dapat titimplahin pati na rin ang paboritong ulam na dapat sana'y pagdidiskitahan.

 

Umupo lang siya sa babang bunk bed na kama ng roommate niya. Nakalagay sa tabi niya ang walang lamang tupperware na pinabaon sa kaniya. Nakatiklop ang braso niya sa harap ng dibdib, malalim na pinag-iisipan kung ano ba ang problema ng roommate niya.

 

Makalipas ang ilang minuto ay bumukas na ang pinto nila. Pumasok si Karina na bagong ligo at nakabalot pa sa tuwalya ang buhok. Naabutan siya nito habang hinihilot ang sentido niya. Kanina pa kasi kumikirot ang ulo niya kakaisip kung pinadala ba ito sa buhay niya para subukin ang haba ng pasensiya niya.

 

“Hangover?” tanong nito. Naglakad ito papunta sa desk at may kinuha sa drawer. “Gusto mo ng advil?”

 

Buntunghininga lang ang sinagot ni Winter kaya nag-aalalang humarap si Karina sa kaniya. 

 

“That bad?" Binigyan siya nito ng maliit na ngiti na para bang naaawa na sa kaniya. "I cooked your favorite pala... Gusto mong kumain muna? Sabay na tayo?”

 

Tinignan lang siya nang maigi ni Winter. Hindi siya makapag-decide kung anghel ba ang kaharap niya o kampon ni Satanas.

 

“Or Pocari Sweat? I heard it's good for hangovers din... meron sa ref, kunin ko?”

 

Imbes na sumagot, itinaas niya ang tupperware at nilapag sa ibabaw ng hita niya. Napansin din naman agad ni Karina. Bumaba ang tingin niya at tinikom ang mga labi. Mukhang gets na niya ang hinihimutok ng roommate niya.

 

“Ahh, about that?”

 

“Ahh?” Hindi na sinubukan ni Winter na itago ang inis niya. “Ilang beses na natin ‘tong napag-usapan... tapos ahh?”

 

Nagkibit-balikat lang si Karina. "Well, in my defense, hindi naman ako kumain niyan."

 

"Ha? Eh, sabi ni Chaeryeong, sinabi mo daw sa kanila na 'di ako kumakain nito."

 

"Oo nga, pero 'di ako kumain kahit konti. You can ask them if you want. Tinanong lang nila ako kung pwedeng humingi tapos ayun, na-mention ko 'yun."

 

Naningkit ang mga mata ni Winter. "Sinasabi mo bang hindi ka kumain... pinamigay mo lang?"

 

Tinanggal na ni Karina ang tuwalya niya sa buhok at sinampay sa katabing upuan. Nag-hum pa ito saglit na parang pinag-iisipan ang mga nangyari kanina. "I guess parang ganun nga 'yung nangyari?"

 

Kung may isang bagay na kayang gawin si Karina nang walang kupas, 'yun na yata ang gawing speechless si Winter. Napapikit na lang siya saglit para maghanap ng mga salitang angkop sa nararamdaman niya. Tapos pagkadilat, pumikit ulit siya dahil puro masasama lang ang nahanap niya.

 

“Bakit? Were you going to eat it ba?"

 

"Hindi, Rina. Balak ko lang sigurong titigan hanggang sa mapanis... malamang kakainin ko diba? Kaya ko nga tinabi sa ref at nilagyan ng pangalan ko?"

 

Siguro dahil palagi siyang numero uno sa pag-aaral, kaya kahit sa mga simpleng argumento, hindi nagpapatalo si Karina. Kung anong taas ng boses ni Winter, palagi niyang lalamangan at dodoblehin.

 

“Kakainin mo 'yun?" tanong niya na parang napakahirap paniwalaan ang naunang sinabi ni Winter. "Seryoso ka? Kakainin mo kahit na allergic ka sa mangoes?”

 

Saglit na natameme si Winter.

 

Sa pagkakaalam niya, iilan lang naman ang may alam nun. Bihira niya lang kasi ito banggitin dahil hindi naman usually nagka-come up sa conversations. Napaisip tuloy siya bigla kung kailan niya ito nasabi. 

 

"Alam mo?" 

 

"Nagka-rash ka last time nung kumain ka ng pasalubong ni Yuna."

 

Napaubo na lang siya nang maalala ang nangyaring pamumula sa kamay niya. "M-mild allergy lang naman 'yung akin."

 

"Didn't look very mild to me..."

 

"Dahil lang kasi yata 'yun sa balat..."

 

Confident naman siya na kaya niyang kumain lalo na kung sangkap lang naman ito. Siguro, mangangati siya nang kaunti kung mamalasin pero hindi rin naman niya balak ubusin 'yun. Gusto niya lang sana matikman dahil pinag-effortan 'yun ni Yunjin. Nalaman kasi niya na mahilig sa graham si Winter. Hindi nga lang niya nalaman yung part na allergic si Winter sa mangga.

 

"At tsaka hindi naman din ako dapat kakain ng marami eh. Ayoko lang na masayang 'yung effort nung tao na nagbigay..."

 

Napatigil siya sa sarili niyang tono. Bakit parang siya pa ang nag-eexplain? At bakit nakatalikod na sa kaniya si Karina at parang mas may interes pa sa paghahanap ng kung anumang gamit mula sa drawer niya?

 

"Teka nga. Ba't parang ako pa ang mali? Ikaw 'yung namimigay ng hindi iyo dito ah!"

 

Huminto muna sa paghahalungkat ng gamit si Karina at tinignan siya na parang naiirita na.

 

"Okay, look, I'm sorry kung naubos nila. Hindi ko naman kasi alam na okay lang sa'yo na ma-trigger 'yang allergy mo dahil mild lang pala," Bukod sa iritableng tono, nakuha niya pang samahan ng irap at air quotes ang mga pinagsasabi. "Pero, again, in my defense, I did ask you for permission this time, Win.”

 

“H-ha? You asked me? Kailan?" Alam niyang may pagka-pakialamera si Karina pero hindi siya aware na sinungaling na rin pala ito ngayon. Siguradong-sigurado siyang hindi siya nito natanong tungkol dito — unless may doppelganger siyang pakalat-kalat sa loob ng bahay. 

 

“Kanina... when I got up for breakfast.”

 

Breakfast? Eh, lunch time na siya nagising eh...

 

“Sinasabi mo bang tinanong mo 'ko nung tulog ako?”

 

“Well... you were awake enough to say yes. Twice pa nga eh. Na-record ko pa nga 'yung pangalawang beses eh, gusto mo marinig?”

 

“Karina, wala pa ‘ko sa wisyo nun!”

 

“Well, parang wala ka pa rin naman sa wisyo ngayon since you're telling me na you were planning to eat it kahit na alam mong makakasama sa’yo 'yun.”

 

Well," empatiko niyang simula. "Ang akin lang kasi, bigay sakin 'yun. Okay lang naman sa'kin mag-share kung tatanungin ako nang maayos. Pero sana man lang, naisip mong tabihan ako kahit onti para natikman ko naman...”

 

“Alam mo... ewan ko sa'yo," Tumalikod na ulit si Karina at binuksan ang laptop niya. "I don't know why you’d rather deal with the health risk kesa aminin doon na allergic ka sa gift niya.”

 

Hindi naman relihiyoso si Winter pero napapa-"Lord, grant me patience" na lang talaga siya sa tuwing nagtatalo sila. Palagi na lang kasi siyang nababaliktad at ang ending ay nagiging mas frustrated pa si Karina sa kanya. Naging mantra na niya ang "be the bigger person" kahit medyo pinagdamutan siya ng maykapal sa karagdagang pulgada.

 

Huminga na lang muna siya nang malalim at naglakad-lakad sa maliit na espasyo sa tapat ng kama para pakalmahin ang sarili.

 

“Una sa lahat, may pangalan siya at alam mo 'yun... Yunjin, hindi doon. At pangalawa—”

 

Pinutol siya ng maingay na pagta-type ni Karina. Napakadiin ng bawat pindot nito, para bang gusto na niyang burahin ang mga titik sa bawat keycap na dinadaanan.

 

“The point still stands though... mas gugustuhin mong mag-suffer kesa madisappoint 'yang manliligaw mo.”

 

“Hindi ko siya manliligaw!”

 

Si Karina naman ang natahimik. Tumigil siya sa pagla-laptop at inikot ang de-gulong na silya para harapin si Winter. “Wait... what do you mean?”

 

“Anong what do I mean?”

 

“Sabi mo hindi mo siya manliligaw? Are you saying na kayo na? Kailan pa?”

 

“Ha? Hindi!” Hinilamos ni Winter ang mga palad niya sa mukha niya. Hindi niya maintindihan ang kakaibang gigil ni Karina tuwing napupunta roon ang usapan. At mas lalong hindi niya maintindihan kung bakit madalas silang napapadpad doon. “Teka nga, hindi naman 'yun ang issue dito, ah.”

 

Napakapit nalang siya sa buhok niya at ginulo-gulo ito. Gulong-gulo na siya sa direksiyon ng usapan nila at sa tingin niya wala na itong patutunguhan pa. Napapagod na rin siya at sumasakit na talaga ang ulo niya. Matapos ang isa pang buntunghininga ay napagdesisyunan niyang lumabas na lang ng kwarto.

 

Hindi bale na nga, isip-isip niya. Hindi na rin naman maibabalik ang mango float niya.

 

Lumabas siya ng bahay para magpahangin at magpalamig ng ulo. May round table sa tabi ng main door at may dalawang upuan doon kung saan kadalasang tumatambay ang landlady nila. Umupo muna siya roon tutal wala naman ang matandang babae ngayon. Kadalasan kasi itong nasa galaan buong araw tuwing linggo.

 

Nag-chat na lang siya kay Yuna na lumabas daw sabi ni Chaeryeong. Dahil siya naman ang nakarami sa float, naisipan ni Winter na ipa-describe sa kaniya ang lasa bilang bayad kumbaga. Pabiro niya itong binigyan ng 500-word requirement at nag-angry react agad ang housemate nila.

 

Hay. Hindi niya alam kung bakit nagkaganito ang linggo niya. Ang gusto niya lang naman kasi ay maging detalyado kahit papaano ang magiging thank you niya kay Yunjin. Bilang nag-effort yung tao, ayaw niya itong bigyan ng generic o impersonal na thank you message.

 

Kakasend niya lang ay may nag-message agad sa kaniya. Sa tingin niya hindi naman ito si Yuna dahil kaka-chat lang nito ng "11:59 ba ang deadline?"

 

Sinilip niya ang lumitaw na chat at hindi nga si Yuna. Si Ningning ang nag-chat — isa pang roommate nina Chaeryeong na umuwi sa probinsiya kahapon.

 

Babasahin na sana niya pero may nagbukas ng screen.

 

Si Karina. May hawak siyang plato ng kanin at mangkok na umuusok pa sa init.

 

“Peace offering,” sabi niya pagkalapag sa tapat ni Winter. “Kakainit ko lang niyan. You can eat it... or not. Ikaw bahala. Iwan mo nalang diyan kung ayaw mo.”

 

Ayan na naman siya, nilalabas ang malamig na matamlay na tono na madaling nagpapaamo kay Winter.

 

Buti na lang ay hindi siya nito masyadong pinahirapang mag-isip ng isasagot. Agad din itong pumasok ulit sa loob at nakahinga na siya muli nang maluwag.

 

Mga ilang segundo pagkabagsak ng screen ay hinila na niya rin papalapit ang plato at mangkok. Inis pa rin siya pero hindi naman niya ugaling magsayang ng pagkain.

 

Susubo na sana siya ng sabaw nang tumunog ulit ang phone niya. May mga bagong message ulit galing kay Ningning.

 

 

Ningning: WINTOTTT

Ningning: kunin mo pala yun flat tops dun sa freezer sayo yunnn youre welcome 

Ningning: HAHAHAHSHS CHAROT sorry inupakan ko yung sayo last time

Ningning: wag ka sana magalit hehe (madami kami hindi lng aq ha baka sabihin mo PG aq)

 

 

Maikli lang naman ang mga sinabi ni Ning. Madali lang dapat intindihin. Pero hindi niya mabilang kung ilang ulit niya 'tong binasa. Nasa gitna pa rin siya ng pag-uulit nito nang lumabas ulit si Karina. 

 

Napatigil ito saglit nang mapansin na hindi niya pa nagagalaw ang nakahain pero hindi naman siya nagkumento pa.

 

“Here, take one after you eat kung masakit pa ang ulo mo,” sabi niya lang at naglapag ng isang baso ng tubig at isang banig ng mga capsule. “Every four to six hours ang inom if the pain persists... I think. I-search mo na lang din to be sure.”

 

Napatango nalang si Winter, para bang nawala lahat ng salita sa bokabularyo niya. Hindi pa rin niya masyadong gets ang mga message ni Ning. At lalong hindi niya ma-gets si Karina.

 

Tinignan siya nito na walang sinasabi hanggang sa iangat niya ang tingin para magtama ang mga mata nila. Parang may gusto pang sabihin si Karina pero halatang nahihirapan siyang magsimula.

 

Kalaunan ay iniwas niya rin ang tingin para tumitig sa mga paa niya. "And sorry," dagdag niya na parang bulong.

 

"Ano 'yun?" Narinig naman ni Winter pero gusto niyang ipaulit.

 

“Sabi ko sorry," madiin na ulit ni Karina. Parang pagbabanta na wag na subukan ni Winter na ipaulit pa. "I'm sorry dahil naging paladesisyon ako... pero I'm not sorry for trying to keep you safe. You might not know this pero your allergic reactions can get worse over time.”

 

Natawa na lang si Winter. Si Karina pa lang ang nakikilala niya na ganito humingi ng tawad.

 

"Hindi ako nagjo-joke, Win. Pwedeng maging severe 'yung reaction mo and it could get really bad lalo na't 'di ka prepared dahil tingin mo mild lang ang ma-eexperience mo every time—"

 

"Okay," pagsuko niya. Winawagayway na niya ang white flag.

 

"Anong okay?"

 

"Tinatanggap ko na 'yang sorry mo"—na hindi tunog sorry pero hindi na niya dinagdag—"Quits na tayo kaya umupo ka na dito."

 

Tinuro niya ang bakanteng silya sa tabi niya at tinulak ito papalapit kay Karina.

 

“Bakit?” 

 

“Anong bakit? Hindi mo ba ‘ko sasabayan?”

 

Malakas naman ang boses niya. Malinaw ang bigkas sa bawat salita. Pero parang hindi naintindihan ni Karina.

 

“Sabi mo kanina, sasabayan mo 'ko...”

 

“F-fine,” sagot ni Karina na parang labag pa sa loob niya. 

 

Pumunta siya sa may screen at bubuksan na sana ito pero mahinang hinigit ni Winter ang pulsuhan niya. 

 

“Ako na kukuha ng sa’yo. Upo ka na diyan.”

 

Parang ayaw pa ni Karina nung una pero, sa awa ng diyos, nadadaan naman siya sa magandang pakiusap (masamang tingin) pa-minsan-minsan. Pagkatapos ng maikling pilitan ay umupo na rin siya at nagtungo na si Winter sa kusina na pailing-iling sa sarili.

 

Napakahirap intindihin kung minsan ni Karina. Minsan thoughtful. Minsan may pagka-thoughtless. Nagso-sorry kahit parang hindi naman kahit kulang sa sinseridad ang paghingi ng paumanhin. Nagso-sorry, tapos uulitin lang ulit yung ginawa. Pinakamalala sa lahat, nagso-sorry kahit sa mga bagay na hindi niya naman pala kasalanan. 

 

Napakagulong tao.

 

Pero kung isasantabi lahat ng magulo kay Karina, ito ang malinaw kay Winter sa ngayon: hinintay siya nito kagabi hanggang madaling-araw dahil naiwan niya ang susi niya at walang ibang magbubukas ng pinto para sa kaniya. Inalalayan siya nito sa banyo habang halos iluwa na niya ang kaluluwa roon. Pagkatapos, inakay siya nito pabalik ng kwarto. At kahit napuyat ay gumising ito nang maaga para mamili ng mga sangkap para sa paborito niyang pagkain. 

 

Kaya naman, sa kusina, sumandok siya ng isa’t kalahating tasa ng kanin. Walang labis, walang kulang. May extra half rice dahil may sabaw ang kapares na ulam. Pinili niya ang mas malalaking piraso ng karne, 'yung mas maraming laman kesa taba. Hiniwalay niya ang mga gulay na trip ni Karina sa hindi. Gabi at siling berde, in. Okra, out. At huli, naggayat siya ng isang pirasong siling pula.

 

Sa lahat ng bagay na hindi niya maintindihan kay Karina, may iilang bagay na sigurado siya. Hindi lang sila basta roommates o housemates ni Karina. Sa tatlong taong pamamalagi nila sa gitna ng kahabaan ng Birch street, nahubog na ang pagkakaibigan nila. At sa dami ng pagtatalo at pag-aayos nila, sa tingin niya ay humigit na roon ang relasyon nila. Hindi na lang sila magkaibigan ngayon, parang pamilya na rin sila.

 

They look out for each other. They care a lot for one another. Nasosobrahan nga lang sa pake kung minsan at hindi palaging nagtutugma ang mga pamamaraan at pananaw nila. Pero, ganunpaman, kahit pa ang bungad ni Karina sa kaniya ay "Isang sili lang?" imbes na thank you, hindi niya pa rin pipiliin na makipagpalit ng kwarto sa kahit sino kailanman.

 

 

Like this story? Give it an Upvote!
Thank you!
jellyaceee
medj truce muna dahil natututo rin dapat tayo sa nakaraan eme haha pi edsa day

Comments

You must be logged in to comment
asdfghjklmaeee
157 streak #1
Chapter 4: Ayan na nagkaka sundo na. Yung endearment to follow na lang hehe 😂
stillintoyu
201 streak #2
Chapter 4: aq na lang tawagin mong baby, rina. walang angal
Eybrelros #3
themicah #4
It's building up 🥰🥰
yujiwinteo
67 streak #5
Chapter 3: In game si bading sa pagiging indenial 🤨 lagot pati siya aangkinin na niyan (na feeling ko gusto na gawin ni katarina dati pa)
asdfghjklmaeee
157 streak #6
Chapter 3: go lang guys 'maglambingan' lang kayo 🤭
jushshhh #7
Chapter 3: karina, pass sa halata
stillintoyu
201 streak #8
Chapter 3: angkinin mo na kase rina pati na rin ako emz
TakuyaKen
#9
Chapter 3: sayo nadin si Win hahaha
listless_radish
#10
Chapter 2: Winter kasi pinapangunahan palagi ng galit niya tapos si Karina yung napagbubunutan ng galit kasi siya palagi ang nasa scene of the crime. Hay.