kunin mo na ang lahat sa akin, wag lang ang...?

O sige, sa’yo na (lang ako)

 

Tuwing Miyerkules naglalaba si Winter.

 

Wala siyang pasok sa araw na ito ngayong sem at saktong may klase ang mga ka-dorm niya. Halos walang tao sa bahay. Walang kaagaw sa sampayan. Wala ring magrereklamo dahil humihina ang tubig sa banyo kapag may gumagamit ng hose sa labas.

 

Nakakatamad maglaba lalo na pag gabundok ang maduming damit at galing siya sa puyat sa paghahabol sa mga deadline. Pero minsan, nakakapayapa rin kahit papaano. Habang nagkukusot siya at nagtatanggal ng mga mantsa, pakiramdam niya ay nawawala rin ang mga bumabagabag sa kaniya na ayaw siyang patulugin sa ibang mga gabi. Para bang nababawasan ang mga iniisip at pinoproblema niya. Kapag lumilinaw na ang tubig sa planggana, parang umaaliwalas na rin ang isip niya.

 

Nasa kalagitnaan na siya ng pagsasampay nang lumabas si Manang Letty, ang landlady nila. Nakasiklop ang mga kamay nito sa likod. Pasimpleng sinisilip ang mga labada niya.

 

“Patapos ka na ba, ija?” tanong nito. Suot na naman ang kaniyang paboritong dilaw na duster. Hindi sigurado si Winter kung may sinusundan siyang schedule sa damit o sadyang natataon lang na ito ang suot niya tuwing Miyerkules. “Pwede na ba akong maligo?”

 

May dalawang bahay sa lote na kinatatayuan ng boarding house nila. Ang isa, iyong up and down na ginawang paupahan ni Manang Letty. At iyong isa, bungalow na tinitirhan niya mag-isa. Kasalukuyang may inaayos sa banyo ng bahay niya kaya’t nakikihati muna siya sa CR sa may 1st floor.

 

Tinapos ni Winter ang pagsasampay sa paborito niyang windbreaker saka tumango. “Tapos na ho ako, Manang. Go lang.”

 

“Si Katarina ba? Hindi maglalaba ngayon?”

 

Napangiti si Winter. Si Manang lang kasi ang may lakas ng loob na tawagin si Karina sa buo niyang pangalan.

 

“Sa Sabado pa po yata,” sagot niya. Sa pagkakaalam niya may klase si Karina ngayon. Online class ngayong umaga tapos F2F naman mamayang hapon. “Sabihan ko nalang po na gumagamit kayo ng banyo, in case.”

 

May naalala rin si Winter dahil kakasampay niya lang sa dalawa niyang jacket. Hindi niya pa nga pala nalalabhan yung pangatlo. Ilang linggo na mula noong pinahiram niya 'yun kay Karina. Hanggang ngayon ay hindi pa rin nito sinasauli.

 

Umakyat siya sa kwarto nila at kumatok nang mahina. Baka kasi nasa klase ang asungot sa loob. Worse, baka naka on pa ang camera o mic. 

 

Pagpasok niya ay nakatuon nga ito sa kaniyang laptop. At jusko, suot pa nga ang hoodie niya. Buti na lang at napigilan niya ang sarili. Tama siya at nasa Zoom meeting nga ito at saktong nasa gitna pa ng pagre-recite. 

 

Tahimik na pumasok si Winter at dahan-dahang sinara ang pinto. Umupo na muna siya sa kama sa bandang likod ni Karina. Sinilip niya at hindi naman naka-on ang camera ng roommate niya, pero para safe ay sinigurado niyang pumwesto sa hindi mahahagip ng camera.

 

Sakto naman at ang sumunod na slide sa naka-present na PPT ay naglalaman lang ng listahan ng references. Last slide na siguro at mukhang patapos na ang klase dahil thank you na ang sunod na sinabi ni Karina.

 

Para safe, nanatili pa ring tahimik si Winter. Hinantay niyang isara ni Karina ang Zoom window at husang lumingon sa kaniya.

 

“Ano ‘yun?” nakangisi nitong tanong. “What did I do this time?”

 

“Wala naman. Pero baka may balak kang isoli ‘yang hoodie ko?” Binuksan niya ang palad at nilapit kay Karina. 

 

Inikot nito ang upuan niya. “Gagamitin mo na ba? Labhan ko na lang muna.”

 

“Wag na, ako na. Patapos na rin naman ako.”

 

“Kailangan mo na talaga?”

 

“Di pa naman... pero sayang kasi ‘yung araw oh.”

 

“Ito na lang ba lalabhan mo?”

 

Tumango siya at tumango-tango rin si Karina. Mukhang madali-dali itong kausap ngayon. Napangiti tuloy siya at nginitian din naman siya agad ng roommate niya.

 

Pero, ika nga nila, all good things come to an end. Minsan, bago pa yata magsimula.

 

Tinulak ni Karina pababa ang braso niyang malapit nang mangalay. “Eh di tapos ka na pala…”

 

Mabilis na naglaho ang ngiti sa labi ni Winter. “Ha?”

 

“Ako na maglalaba nito para sa’yo, so tapos ka na.”

 

Napakamot na lang siya ng ulo. Parang December pa kasi ang huli niyang laba doon.

 

“Di ka pa ba naaasiwa diyan? Ilang linggo na ‘yang walang laba ah…”

 

Inamoy ni Karina ang tela sa may bandang siko niya. “It smells fine,” aniya at ngumuso kay Winter. “Wait nga, sinasabi mo bang mabaho ako? Hoy ha, for your information, naligo ako kagabi.”

 

Hindi alam ni Winter kung anong in-expect niya. As usual, kung saan-saan na naman dinadala ni Karina ang usapan.

 

“Hoy, ’yung jacket lang pinag-uusapan natin,” paglilinaw niya. “Sure ka bang wala pa ‘yang amoy?” 

 

Duda siya sa It smells fine ni Karina. Lalo na at alam niyang pagaling pa lang ito sa sipon. At sa totoo lang, medyo nako-conscious din siya dahil ginamit niya iyon nang matagal-tagal bago ipahiram. Knowing Karina, baka sa kaniya pa rin nito ibintang ang kung anumang kumapit na amoy doon kahit na mas matagal na niya itong nagamit.

 

“Tingin nga." Tumayo siya at lumapit para subukang kumpirmahin ang amoy nito. Hihigitin niya sana ang hood at ilalapit sa mukha niya pero tinulak siya agad ni Karina. 

 

Ginulong nito ang silya palayo at umismid. “Tingin lang di ba? So bakit ka lumalapit?”

 

Pinanlisikan niya ng mata ang kaharap na pilosopo. 

 

“Dali na, Rina, gusto ko nang magpahinga eh.”

 

“Eh di magpahinga ka na. I’ll wash it on Sat nga, promise.”

 

“Isasabay ko na nga lang kasi. Dagdag labahin lang ‘yan sa’yo eh.” 

 

Humakbang papalapit si Winter at parang ewan na lumundag palayo si Karina. 

 

Nagtungo ito sa kabilang dulo ng kwarto, sa may pinto at hinablot ang unan sa kama. “Ang kulit mo, Winter. Ako na nga gagawa, ayaw mo pa.” 

 

Niyakap niya ang malaking unan at ginawang shield. 

 

Ano bang akala niya, hahablutin na lang ni Winter nang sapilitan ang hoodie na suot niya?

 

Ang OA. Sobrang OA. Napaka-OA , isip-isip niya.

 

Dahil katabi niya naman na ang hagdan paakyat ng kama, naisipan niyang sumuko na lang. May point naman si Karina at mas gusto na lang din niyang humiga.

 

Aakyat na sana siya kaso bahagyang ginilid ni Karina ang unan na halos nakatakip na sa mukha niya kanina. 

 

Umusli ang labi ni Winter sa kaitsurahan niya. Mukha siyang batang paslit na masarap asarin.

 

Aba’t di naman ata pwede na siya lang ang mayamot ngayong umaga ano?

 

Biglang lumundag si Winter sa harap ni Karina at sinubukang hablutin ang yapos niyang unan.

 

"Ahh! Winter!"

 

Nakakarindi nang slight pero focus lang siya sa goal ika nga. Mahigpit ang pagkakahawak ni Karina sa gilid ng unan kaya ito ang una niyang pinuntirya. Dinakma niya ang kamay nito at sinubukang kalagin ang mga daliring nakakapit sa punda. 

 

Jusko, ang hirap.

 

Hindi niya alam kung may workout para sa mga daliri o sadyang wala lang siyang lakas ngayon. Hinliliit pa lang kasi ay hirap na hirap na siyang tanggalin.

 

“Winter, ano ba... bitawan mo nga ko,” reklamo ni Karina.

 

“Akin na kasi, Katarina, dali. Mawawala na ‘yung araw eh...”

 

“One, wag mo kong tawaging Katarina. At, two, umiikot lang ang Earth, di ‘yan nawawala.”

 

Smartass ampucha.  

 

Pero hindi lang naman siya ang may smarts sa bahay na ito ‘no.

 

Napansin ni Winter ang opening sa tagiliran ni Karina at napangiti.

 

Huli ka.

 

Isang kiliti lang ang katapat ni Karina. Dahil sa pagkabigla, napatili siya at sa wakas ay nagawa ni Winter na tanggalin ang hinliliit niya. Matapos no’n, naging madali na rin ang kaniyang palasingsingan. At dapat madali na rin sana ang sa hinlalato — kaso tumili ulit si Karina. Mas malakas at mas matinis kaysa sa unang beses. Napabitaw siya at napaatras ng isang hakbang. Pakiramdam kasi niya niyanig ang eardrum niya. 

 

Hindi pa ‘yun sapat kay Karina. Ginamit niya pa ang tsansa na ‘yun para hampasin si Winter ng unan.

 

“Hoy,” angal niya. “Aray ko naman!”

 

Mas matigas pa yata sa ulo ni Karina ang unan niya. Kung kasing-OA siya ni Karina, baka inisip na niyang nagka-concussion siya sa lakas ng tama sa ulo niya.

 

Saglit na binaba ni Karina ang unan para silipin ang kalagayan niya. 

 

“Sorry, ikaw kasi eh.”

 

Siya na naman ang may kasalanan. Talaga nga naman. 

 

Pero imbes na mainis at sumagot ay hinimas-himas na lang niya ang pisngi niya. Uminda pa siya sa sakit kahit na pawala na rin naman talaga. Aba’t hindi lang naman si Karina ang marunong mag-take advantage sa mga window of opportunity tulad nito.

 

“Masakit talaga? Patingin nga,” sabi nito.

 

Lumapit pa siya, nakabitaw na ang kanang kamay sa unan at akmang susuriin ang pisngi ni Winter. 

 

Hindi na ito pinalagpas ni Winter. Bigla niyang hinablot ang unan at dali-daling hinagis sa may paanan ng kama. 

 

Tingin lang di ba, ba’t ka lumalapit?” Hinatak niya papalapit si Karina at sinimulang kilitiin ulit sa may tagiliran.

 

“Winter!” 

 

Masakit sa tenga pero music to her ears sa ngayon. 

 

“Winter, stop!” natatawang-naiiyak na reklamo ni Karina. 

 

Niyapos niya ang sarili niya pero wala naman itong masyadong magagawa. Hindi sapat ang dalawang kamay at limang daliri para matakpan niya ang buong ribcage. At siyempre, magaling mag-adjust si Winter. Kapag tataas ang kamay ni Karina, bababa ang gigil niyang daliri. At kapag bumababa naman, sa bandang itaas ang pupuntiryahin niya. 

 

Patawa-tawa lang si Winter. Pinagpatuloy niya lang hanggang sa mapaupo si Karina sa kama. Mangiyak-ngiyak na ito kaya hinayaan na niya munang magpahinga.

 

“Stop na, please...” Dinakma na niya ang mga kamay ni Winter at pinosas sa hawak niya. “Bibigay ko na, wait lang...”

 

Napasinghap si Winter. After all these years, ito lang pala ang kahinaan ng roommate niya.

 

“Oh, sige na, bitawan mo na ko...” Biglang naging masunurin si Karina at agad ding bumitaw sa kaniya.

 

Napayuko ito, naghahabol pa rin ng hininga. 

 

Tatantanan na talaga dapat siya ni Winter. Pagod na siya. At feeling niya bawing-bawi na siya. Kaso may demonyong umakyat sa balikat niya. 

 

Last na, bulong nito.

 

Kasalanan din naman kasi ni Karina. Abot-kamay ang tenga at leeg niya. At curious lang naman si Winter kung anu-ano pa ang mga kahinaan niya.

 

Ang resulta ng maliit niyang eksperimento:

 

Leeg, oo.

 

Likod ng tenga, mas oo.

 

Napaatras na lang si Karina nang pagdiskitahan niya ang tenga nito. Sinampal na ang kamay niya, sinipa pa ang tuhod niya.

 

“Winter naman!” sambit nito, unti-unting umaatras papunta sa pader sa gilid ng kama niya.

 

Isa pa, bulong ng demonyo ni Winter. Pambawi sa tadyak.

 

Yumuko siya at tinungkod ang tuhod sa dulo ng kama. Maliit lang ang double deck nila. Kahit ano pang atras ni Karina, madali siyang maaabot ni Winter.

 

“Don’t you dare,” banta ni Karina. “Sinasabi ko sa’yo, Winter... pagsisisihan mo 'to.”

 

Ang problema: wala siya sa posisyon para manakot at magbanta.

 

Madaling naibawi ni Winter ang sarili mula sa pagkakatadyak sa kaniya.

 

Ang mas malaking problema: maliit lang ang double deck nila. Mababa ang uluhan. Sa gitna ng kaniyang pangingiliti, napakapit si Karina sa balikat niya. At tila naipon sa palad niya ang lahat ng inis at sama ng loob mula kanina pa. Buong puwersa niyang tinulak papalayo si Winter. Papunta sa tuktok, sa hilera ng bakal na sumusuporta sa sarili niyang kama. 

 

Ika nga nila, what goes around, comes around. Kung ano ang tinanim, s’ya ring aanihin.

 

Piling niya narinig niya ang gong sa Tawag ng Tanghalan pagtama ng ulo niya sa bakal na nasa ibabaw.

 

Karma, gago, bulong ng maliit na demonyo sa tenga niya bago tuluyang maglaho. 

 

Napaupo na lang siya sa tabi ni Karina, kinakapa-kapa kung may namumuong umbok sa likod ng ulo niya.

 

“Oh my god, Win, okay ka lang?”

 

Buti na lang at rhetorical ang tanong. Hindi niya kasi sigurado kung tatango siya o iiling — masakit pero hindi naman umiikot ang paningin niya, at least. At mas lalong hindi niya sigurado kung gusto niyang gumalaw at all. Pakiramdam niya kasi ay naalog ang utak niya at onting pihit lang ay lalala ito. 

 

Umusog si Karina papalapit at inabot ulit ang balikat niya. “Wait lang, check ko ha.” Nakikapa rin ito, inusisa ang ulo niya mula tuktok hanggang batok. “I think wala naman.”

 

Nakagat din yata ni Winter ang dila niya. Wala siyang masabi. Walang pumapasok sa isip niya. Wala siyang rebut sa: “Ikaw naman kasi eh.” 

 

For the first time ever, agree siya kay Karina. Kasalanan nga niya this time. Solely. Undoubtedly.

 

Hinayaan niya na lang si Karina sa paghaplos sa kaniyang buhok. Hindi na rin siya nagreklamo sa pagdagan ng hita nito sa hita niya.

 

“Gusto mo ng ice?” halos ibulong ni Karina. At dahil sa lapit nila ay parang nakiliti si Winter sa pagdampi ng hininga sa tenga niya. Instant talaga ang karma. “Ano, gusto mo ba?” 

 

“H-ha?” wala sa sariling tanong niya.

 

“Naapektuhan din ba pandinig mo?” Maingat na hinawakan ni Karina ang gilid ng mukha niya saka pinihit ang ulo niya paharap.

 

“Sabi ko,” Mahaba ang mga kuko ni Rina. Hindi mapirmi. Hindi mapakali. Tila wala sa sariling umiikot-ikot sa ilalim ng pisngi niya. Dahan-dahan. Paulit-ulit. Nakakakiliti. “Ikukuha kita ng ice kung gusto mo...”

 

Rinig niya ang bawat salita pero lumulutang-lutang lang ang mga ito sa utak niya.

 

Tumaas ang mga kilay ni Karina.

 

“H-hindi na, okay lang—”

 

Tatlong mabilis na katok pagtapos ay biglang bumukas ang pinto.

 

“Mga ineng, ano bang”—sumilip si Manang Letty mula sa maliit na uwang ng pinto—“Ay diosmio, kaya pala.”

 

“Hi, Manang,” Kalmado ang bati ni Karina, habang si Winter parang naestatwa at nahihirapang huminga. 

 

Nakakagulat naman kasi ang landlady nila. Parang nalaglag ang puso niya sa biglaang pagpasok nito sa kwarto. 

 

“Akala ko naman kung napa’no na kayo,” sabi ng nakakatandang babae sabay halakhak. “Naglalambingan lang pala kayo...”

 

Nanlaki ang mga mata ni Winter. Ano raw?

 

“A-ano ho?” Bumalik ang tingin niya kay Karina, tapos napunta sa maliit — sobrang liit — na espasyo sa pagitan nila. Nanlaki ang mga mata niya at dali-dali siyang umusog palayo. Muntik pa niyang mabunggo ang hagdan ng kama sa pagkataranta. “Ay hindi po ah!”

 

Hindi niya ma-imagine kung ano ang pumasok sa isip ng landlady nila — at ayaw niya ring isipin.

 

Ito namang roommate niya parang ewan. Imbes na suportahan ang sinasabi niya, tumawa-tawa pa. Parang hindi tuloy naniwala sa kaniya si Manang Letty.

 

“O siya, maiwan ko na kayo. Pwede bang wag na lang kayong masyadong maingay?”

 

“Okay po, Manang, sorry po sa ingay. Maglalambingan na lang po kami quietly,” sagot ni Karina bago pa niya mahanap ang boses niyang biglang nawala. Hinampas niya na lang ito para sawayin.

 

“H-hindi ho," sambit niya, na may pagpiyok pa. "Misunderstanding po yata 'to, Manang! Hindi ho kami naglalam”—napatigil siya sa hirap sabihin ng salitang nabanggit ni Manang Letty—”Hindi po ‘yun ‘yun.”

 

Mukhang pasok sa tenga ng matanda saka labas sa kabila. 

 

“Maliligo na ko. Wag muna kayong gagamit ng tubig sa labas ha?”

 

“Sige po, no problem, Manang,” sabi ni Karina. Malayo ang tono sa pahabol niyang puno ng desperasyon.

 

“Manang Letty, kung anuman po ang iniisip niyo, hindi ‘yun ‘yun,” pilit niya. Pero wala talagang pake ang matanda. Tumawa lang ito at umalis na. Hindi na pinansin pa ang kahit anong pahabol niya.

 

“OA mo, Win. Obvious namang nagjo-joke lang si Manang.”

 

“E-eh baka kasi kung anong isipin niya.”

 

“So?” Nakangising tumayo si Karina.

 

So?

 

Noong una niyang nakilala si Karina, napabilib siya dahil parang wala itong masyadong pake sa iniisip ng iba. Hangang-hanga talaga siya at ginusto niya ring maging ganoong level of unbothered kumbaga.

 

Lately lang niya na-realize ang mga consequence nito para sa kaniya. Onti na lang at luluhod na siya at magmamakaawa para magkaroon naman ng pake si Karina sa mga iniisip niya. Pwede bang ma-bother siya, kahit onti lang?

 

“Ang arte mo naman, Win. Para namang lugi ka pa sa’kin...”

 

Bigla-bigla itong naghubad ng suot niyang hoodie sa harap niya. Wala man lang sabi-sabi. May suot naman siya sa loob pero napaiwas pa rin si Winter ng tingin siyempre.

 

Kahit pa pareho silang babae at parang magkapatid na sila (na palaging nagbabayangan) — bading pa rin si Winter at her core. Wala man siyang interes kay Karina romantically, madali pa rin siyang ma-fluster sa mga ganitong bagay.

 

“O, ‘yan na,” aniya at nilapag ang hoodie sa tabi ni Winter.

 

Five seconds. Wala pang five seconds ang ginugol ni Karina para hubarin ang hoodie niya. Nasa ten seconds kung isasama ang basta-basta niyang pagtupi dito. Wala pang one minute ay tapos na dapat sila pero kung anu-ano pa ang pinaggagagawa nila.

 

Tinulak ni Winter ang hoodie papalayo sa kaniya. “Uy, ano ‘yan? Akala ko ba ikaw na maglalaba?”

 

“Ikaw kaya ang kanina pang tumatanggi.”

 

“Nagbago na isip ko. Ikaw na lang pala.” Lumawak lalo ang ngiti ni Karina kahit wala namang nakakatawa o nakakatuwa sa sinasabi niya. “Tawa-tawa ka diyan... ngayon ayaw mo na rin?”

 

“Okay lang naman. I don’t mind. Pero sure ka na ba?”

 

“Oo, go.” Tinupi ni Winter ang kaniyang mga braso sa may dibdib at nagtampu-tampuhan.

 

“Weh?”

 

“Ang kulit lang? Oo na nga eh. Labhan mo. Labhan mo hanggat gusto mo. Kahit wag mo nang ibalik. Sa’yo na.”

 

“Talaga lang ha? Pag ikaw sineryoso ko diyan, bahala ka...”

 

“Eh di seryosohin mo."

 

"Final answer?"

 

"Oo nga, oo nga! Sa’yo na kung gusto mo. Sa’yo na lahat ng gusto mo.”

 

Onti na lang talaga ay iisipin na ni Winter na clown ang tingin sa kaniya ni Karina. Pa’no ba naman kasi, kaunting kibot at kaunting kibo niya ay panay ang tawa nito. 

 

Itinukod ni Karina ang kamay sa tabi ng beywang ni Winter. Humilig siya papalapit, may sidhi sa titig. May mapanlokong ngiti sa mga labi. “Lahat?” aniya, tila binabasa ang mukha ni Winter. “Sure ka?”

 

Napalunok si Winter sa tono niya. Mapaglaro na may halong banta. 

 

Ano pa ba ang pwede niyang angkinin?

 

“A-anong ‘sure ka’ diyan?” Inisa-isa niya ang mga pag-aari niya na nasa kusina. Kalahating bote ng Joy — 1/3 nun ay bula. Dalawang de lata ng corned beef at tuna na malapit nang mag-expire. Bote ng Delight na di pa niya nabubuksan.

 

Sinamaan niya ng tingin si Karina.

 

“Hoy, Katarina, sinasabi ko sa'yo, wag ‘yung Delight ko sa ref. Except ‘yun ah! Kakabili ko lang no’n.”

 

Tinawanan lang siya ni Karina. “And what makes you think I’d want that?”

 

What makes you think I’d want that? ” ulit niya. Mas eksaherado. Mas maarte. Masakit mang isipin, wala na siyang maisip na magandang pangbawi sa sandaling ito. Nag-malfunction na ang utak niya, nanlalamig pa ang binti niya. 

 

Tumayo na siya’t namamanhid na ang kanang paa niya. Iniwan na niya si Karina na tawang-tawa pa rin. Tiniis na lang niya ang kuryente sa talampakan sa bawat pagtapak sa sahig.

 

Grabeng karma. Bawat hakbang, pataas nang pataas ang akyat ng daloy ng kuryente.

 

Hindi naman ito ang unang beses na nangyari sa kaniya ‘to. Nagpatuloy na lang siya sa pagliglig ng binti. Nilakad-lakad niya hanggang sa makarating sa kusina. Sa distansiya na ‘yun, sa tingin niya dapat okay na siya. Dapat wala na.

 

Pero jusko, ba’t naman hanggang kalamnan niya parang kinukuryente.

 

 

Like this story? Give it an Upvote!
Thank you!
jellyaceee
medj truce muna dahil natututo rin dapat tayo sa nakaraan eme haha pi edsa day

Comments

You must be logged in to comment
asdfghjklmaeee
158 streak #1
Chapter 4: Ayan na nagkaka sundo na. Yung endearment to follow na lang hehe 😂
stillintoyu
201 streak #2
Chapter 4: aq na lang tawagin mong baby, rina. walang angal
Eybrelros #3
themicah #4
It's building up 🥰🥰
yujiwinteo
68 streak #5
Chapter 3: In game si bading sa pagiging indenial 🤨 lagot pati siya aangkinin na niyan (na feeling ko gusto na gawin ni katarina dati pa)
asdfghjklmaeee
158 streak #6
Chapter 3: go lang guys 'maglambingan' lang kayo 🤭
jushshhh #7
Chapter 3: karina, pass sa halata
stillintoyu
201 streak #8
Chapter 3: angkinin mo na kase rina pati na rin ako emz
TakuyaKen
#9
Chapter 3: sayo nadin si Win hahaha
listless_radish
#10
Chapter 2: Winter kasi pinapangunahan palagi ng galit niya tapos si Karina yung napagbubunutan ng galit kasi siya palagi ang nasa scene of the crime. Hay.